
Bumaba sa 19.41% ang real estate exposure ng mga bangko at kanilang trust units sa pagtatapos ng Marso 2025, batay sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ito ay mas mababa kumpara sa 20.31% noong parehong panahon ng nakaraang taon, at itinuturing na pinakamababa sa loob ng anim na taon o mula pa noong Marso 2019.
Ang kabuuang real estate exposure, na binubuo ng real estate loans (REL) at real estate investments (REI), ay umabot sa ₱372.4 bilyon sa unang tatlong buwan ng taon — bahagyang bumaba ng 1.9% mula sa ₱379.4 bilyon noong 2024.
Sa kabila ng pagbaba sa kabuuan, tumaas naman ang mga pautang sa residential real estate, na umabot sa ₱1.13 trilyon o 10.8% higit kumpara sa ₱1.02 trilyon noong isang taon. Ang commercial REL ay tumaas din ng 7.7% sa ₱1.83 trilyon mula sa dating ₱1.70 trilyon.
Sa bahagi naman ng REI, ang debt securities ay lumago sa ₱256 bilyon mula sa ₱251.2 bilyon, habang ang equity securities ay bumagsak sa ₱116.4 bilyon, pababa ng 9.3% mula sa ₱128.3 bilyon.
Ang kabuuang REL ng bank proper ay lumago ng 8.8% sa ₱2.96 trilyon mula sa ₱2.72 trilyon noong 2024, habang ang kanilang REI ay bumaba sa ₱97.3 bilyon, mas mababa ng 10.1% mula sa dating ₱108.2 bilyon.
Ayon sa ulat ng Colliers para sa Metro Manila residential market, bagama’t may mga hamon pa rin sa condominium sector, tumataas ang demand dahil sa agresibong promosyon ng mga developer tulad ng ready-for-occupancy (RFO) deals. Ito umano’y nagbubunsod ng pagtaas sa sales at long-term leasing ng mga unit.
“Hindi pa tapos ang laban sa Metro Manila residential market,” ayon sa Colliers. “Nagiging mas matalino ang mga developer sa paglalabas ng tamang produkto sa tamang lokasyon, may abot-kayang presyo, at kaaya-ayang terms.”
Dagdag pa rito, mas kaunti ang inilulunsad na pre-selling units habang patuloy ang agresibong pag-develop ng mga bagong proyekto sa labas ng Metro Manila.
Matatandaang itaas ng BSP ang real estate loan limit ng mga bangko mula 20% patungong 25% upang hikayatin ang pagpapautang sa sektor ng pabahay. Layunin nitong suportahan ang household acquisition at construction ng residential real estate properties.
Bagama’t bahagyang humina ang exposure sa ilang aspeto, nananatiling aktibo at matatag ang interes ng mga bangko at developer sa real estate sector, ayon sa BSP at mga industry analysts.
More Stories
“MAY PROBLEMA KA BA SA MAY AUTISM?” — DENNIS TRILLO, NAG-INIT ANG ULO SA BASHER NG ANAK NI JENNYLYN
Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards
Tindera, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Taytay