November 11, 2024

PROBLEMA SA LUZON HINDI MAGTATAPOS KAY NIKA DAHIL SA PAPARATING NA SI OFEL

HINDI pa tapos ang pananalasa ng bagyong Nika, subalit mayroon na namang dapat paghandaang ang mga taga-Luzon na bagong bagyo.

Nabuo ang tropical depression sa laban ng Philippine Area of Responsibility nitong madaling araw ng Lunes, Nobyembre 11, at inaasahang papasok sa PAR ngayong Martes ng umaga, Nobyembre 12.

Nitong alas-10:00 ng umaga ngayong Lunes, namataan ang tropical depression sa 1,400 kilometers silangan ng Eastern Visayas, at patuloy na kumikilos sa west northwest na may bilis na 35 kilometers per hour (km/h).

Sakaling pumasok sa PAR, papangalanan itong Ofel.

Ang maximum sustained winds ng tropical depression ay tumaas mula 45 km/h hanggang 55 km/h noong Lunes ng umaga, habang ang pagbugso nito ay umaabot na sa 70 km/h mula sa dating 55 km/h.

Patuloy itong lalakas sa susunod na tatlong araw,” ayon sa 11am advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes. Sa Miyerkules, Nobyembre 13, magiging ganap na itong bagyo.

Posibleng mag-landfall si Ofel sa Northern Luzon o Central Luzon sa Huwebes ng gabi, Nobyembre 14, o madaling araw ng Biyernes, Nobyembre 15, bagama’t maari pa rin itong lumihis ng dadaanan.