
Dumalo sa pagdinig ng House of Representatives Tri-Committee ang mga bloggers na kilalang mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay matapos nilang hindi daluhan ang makalipas na 2 pagdinig ng kumite.
Napaluha ang influencer at isang media personality na si Krizette Chu habang humingi siya ng paumanhin sa publiko dahil sa kanyang mga post sa social media na naglalaman ng pagmumura at matinding batikos laban sa gobyerno.
Sa pangunguna ni Congressman Bienvenido Abante Jr., inamin ni Chu na ang kanyang mga pahayag ay bunga ng frustration at kakulangan ng buong konteksto.
“My lawyer and I talked, and my case is a matter of oversight,” aniya. “I apologize, sir… I apologize for saying the word ‘tanga’ in my post.”
Ipinakita ng mga mambabatas kay Chu ang isa niyang social media post noong Disyembre 28, 2024, kung saan tinawag niyang “tanga” ang gobyerno dahil umano sa pangungutang ng bilyun-bilyong piso habang namamahagi ng ayuda.
“Tanga ang gobyerno, ikaw matalino? Am I right?” tanong ni Rep. Abante.
Sinubukan niyang ipaliwanag na ang kanyang galit ay nanggaling sa mga ulat tungkol sa mga utang ng gobyerno at mga viral na larawan ng mga Pilipinong nagbabakasyon sa ibang bansa na umano’y tumanggap ng ayuda.
“Kasi taxpayer kami, masakit, sir,” sagot niya habang nagsimula siyang maging emosyonal. Nang tanungin kung magkano na ang kanyang binayarang buwis, tumanggi siyang magbigay ng tiyak na halaga.
Pinuna ng mga mambabatas ang kawalan ng sapat na batayan sa kanyang mga pahayag, pati na ang paggamit ng hindi kumpirmadong balita bilang basehan ng kanyang akusasyon laban sa gobyerno.
“You’re going to base your statement, ‘tanga ang gobyerno,’ sa news ang nabasa mo?” tanong ng isa pang mambabatas.
Bagaman kinilala ng komite na maaaring magdulot ng matinding emosyon ang mga isyu sa bansa, pinaalalahanan nila si Chu na may pananagutan ang mga social media influencers sa pagpapakalat ng tamang impormasyon.
“What you said maybe your feelings, but this hearing is about accountability,” sagot ni Rep. Abante.
Tinalakay rin ng komite ang mas malawak na isyu tungkol sa regulasyon ng TikTok sa content ng kanilang platform. Kinuwestiyon ang kinatawan ng TikTok tungkol sa pagpayag ng TikTok sa mga post na may pagmumura at malaswang tema. Ipinaliwanag niya na may mahigpit na patakaran ang plataporma, lalo na para sa mga menor de edad, at bukas silang makipagtulungan sa komite upang repasuhin ang mga isyung ito.
Samantala, ginisa naman ni Quezon Representative David Suarez si Mark Anthony Lopez na isa ring blogger matapos nitong kumpirmahin ang post nito na nagsasabing lapdog ng bansang Estados Unidos si PCG Commodore Jay Tarriela sa pagtatanggol nito ng West Philippine Sea.
Ani Suarez, nakakalungkot na may Pilipino na kumakampi sa kalaban ng bansa pagdating sa usapin ng pag-aagawan ng teritoryo ng West Philippine Sea.
Samantala, nanatiling absent sa pagdinig sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz, na dating opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at kilalang red-tagger at mga hosts ng Sonshine Media Network International (SMNI).
More Stories
P816-M SHABU NASABAT SA ORIENTAL MINDORO
3.4K overseas job opportunities inialok sa DMW job fair
MONEY ENVELOPES NA ISINAMA SA ‘ELECTION MATERIALS ESSENTIALS’ TINANGGAL NA NG NATIONAL BOOK STORE