June 16, 2025

PRESYO NG LANGIS, SIRIT NA NAMAN

MANILA — Inanunsyo ng mga kumpanya ng langis na muling magtataas ng presyo ng produktong petrolyo simula Martes, Hunyo 17, sa gitna ng patuloy na galaw ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa magkakahiwalay na abiso, kinumpirma ng Shell, Seaoil, CleanFuel, PetroGazz, Caltex, at PTT na magpapatupad sila ng PHP1.80 dagdag-presyo kada litro ng gasolina at diesel.

Bukod dito, magtataas din ng presyo ang Caltex, Seaoil, at Shell sa kerosene ng PHP1.50 kada litro.

Inaasahang susunod din ang iba pang kompanya ng langis sa anunsyong dagdag-presyo.

Ang panibagong taas-presyo ay kasunod ng pagtaas din noong nakaraang linggo, kung saan nadagdagan ang presyo ng gasolina ng 60 sentimos, diesel ng 95 sentimos, at kerosene ng 30 sentimos kada litro. Walang pag-amin mula sa mga oil firm kung hanggang kailan tatagal ang serye ng pagtaas, na inaasahang muling papasanin ng mga motorista at konsyumer sa mga darating na araw.