LUBHANG nabahala ang mga residente ng Atimonan, Quezon sa nabunyag na presensya ng mga sundalong Amerikano sa kanilang bayan noong Agosto 13. Naiulat na nagsasagawa ng sarbey ang isang tim ng US Navy, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), sa naturang bayan.
Ayon sa mga residente sa lugar, nagsarbey ang mga sundalong Amerikano bilang paghahanda sa Balikatan 39-2024. Naghahanap diumano sila ng lugar para paglagakan ng kanilang mga kagamitang militar. Bahagi umano sila ng US Indo-Pacific Command Humanitarian Civic Assistance Team.
Nangangamba ang mga residente sa magiging epekto ng naka-ambang war game tulad ng nangyari sa Balikatan exercise sa Northern Luzon ngayong taon. Sa naturang war game, pinigilan ang taumbaryo na maghanapbuhay. Ilang araw na hindi nakapalaot ang mga mangingisda.
Kinundena naman ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army, ang panghihimasok ng US Navy sa prubinsya.
“Kailangan nating maging mapagbantay sa pagpasok ng mga dayuhang Amerikano sa ating lalawigan. Malaking posibilidad na isa ito sa mga pakana ng reaksyunaryong gobyerno para papasukin ang dayuhang pamumuhunan na magreresulta sa pagkawasak ng kalikasan at kapayapaan sa Quezon,” ayon kay Del Mundo.
Kaugnay pa, pinangangambahan din ng mga taga-Quezon na maging dahilan ito para itayo ang mga base militar ng sundalong Amerikano na magdadala ng karahasan at mga anti-sosyal na gawain sa lugar. Inalala ni Del Mundo ang pagpatay kay Jeniffer Laude noong 2014 ni Joseph Scott Pemberton, isang sundalong Amerikano na nakadaong sa base militar sa Olongapo City. Bagamat nasentensyahan, hindi siya ipinailalim sa awtoridad ng Pilipinas.
Samantala, nananawagan si Del Mundo sa mga lokal na upisyal ng pamahalaan at mamamayan ng lalawigan na tutulan ang nasabing ehersisyong militar at ipagtanggol ang soberanya ng bansa laban sa dayuhang kontrol.
“Sama-sama nating labanan at tutulan ang nagbabadyang panghihimasok ng sundalong Amerikano sa ating lalawigan. Tungkulin ng mga lokal na pamahalaan at lahat ng makabayang pwersa sa prubinsya ng Quezon na huwag hayaan na maganap ang Balikatan Exercise. Ang pagpasok ng dayuhan sa lalawigan ay magbibigay-daan sa higit na kontrol ng Estados Unidos sa ating bayan at soberanya,” dagdag pa ni Del Mundo.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW