January 27, 2025

PREDIKSYON NG UP, GAWING MOTIBASYON NG GOBYERNO UPANG LABANAN ANG PAGTAAS NG COVID-19 CASES SA BANSA

Mga Cabalen, hindi malayong mangyari ito lalo na’t ang epicenter ngayon ng COVID-19 sa bansa ay nasa Cebu. Malaking bilang ng kumpirmado ang nadadagdag sa kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa ganang akin, mga Cabalen, huwag nating tingnan ang prediksyon. Aksyon ang kailangan natin. Hindi porke sablay ang prediksyon para roon ‘e panalo na tayo. Naiintindihan natin si PS Harry Roque kung masaya siya sa kasalukuyang bilang ng kaso ng nagpositibo ng Coronavirus.

Sino ba naman ang ayaw ng positibong resulta sa paglaban sa COVID-19? Siyempre, kahit tayo, gusto natin na nagtatagumpay.

Gayunman, kailangan ng puspusang kampanya, aksyon, paglaban, sistema at pamamaran ang gawin ng ating pamahalaan upang tuluyang masugpo ang pananalasa ng nakamamatay na sakit.

Kaya, huwag magpa-presyur ang Palasyo sa prediksyon dahil naksisira lang ito ng diskarte ng kinauukulan. Tila, nakikipagtintero tayo niyan sa gitna ng pandemya kapag ganyan.

Ang prediksyon ay hinuha lamang— na sa isang banda ay may positibong resulta upang lalo pang pagbutihin ng kinauukulan ang pagkilos at paglaban kontra Coronavirus.

Gawing motibasyon ng pamahalaan ang pahayag ng UP upang puspusan pang kumilos at labanan ang paglobo ng bilang ng COVID-19 cases ng bansa.