November 10, 2024

Posibleng makaapekto sa 2022 elections COMELEC SERVER NA-HACK

Napasok ng mga hacker ang server ng Commission on Elections (Comelec) at na-download ang higit 60 gigabytes ng data na posibleng makaapekto sa pagdaraos ng May 9, 2022 elections.

Nabisto ng Manila Bulletin (MB) Technews team ang breach sa system ng Comelec noong Sabado, Enero 8, 2022 kung saan kabilang sa mga nakuhang file ay mga username at PINS ng vote-counting machines (VCM).

Nanakaw din ang file ng mga network diagrams, IP addresses, listahan ng lahat ng privileged users, domain admin credentials, listahan ng lahat ng password at domain policies, access sa ballot handling dashboard, QR code captures ng bureau of canvassers na may kasamang login at password.

Nakuha rin umano ang listahan ng overseas absentee voters, lokasyon ng lahat ng voting precincts at detalye ng board of canvassers, lahat ng configuration list ng database, at listahan ng lahat ng user accounts ng Comelec personnel.

Noong 2016, na-hack din ang website ng Comelec kung saan nanakaw ang mga mahahalagang impormasyon.

“Nakakabahalang balita ito. Let’s be vigilant and keep ourselves posted on this development,” komento ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa isang tweet nitong Lunes.