April 21, 2025

POPE FRANCIS, PUMANAW NA SA EDAD NA 88

VATICAN CITY — Pumanaw na si Pope Francis sa edad na 88 nitong Lunes, Abril 21, 2025. Kinumpirma ito ng Vatican na nagsabing binawian ng buhay ang Santo Papa dakong alas-7:35 ng umaga sa kanyang tahanan sa Casa Santa Marta.

Sa opisyal na anunsyo ni Cardinal Kevin Farrell, Camerlengo ng Apostolic Chamber, sinabi niya:

“Minamahal kong mga kapatid, labis ang aming dalamhati sa pag-aanunsyo ng pagpanaw ng ating Mahal na Santo Papa Francis. Kaninang alas-7:35 ng umaga, ang Obispo ng Roma, si Francis, ay nagbalik na sa tahanan ng Ama. Inialay niya ang buong buhay sa paglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.”

Dagdag pa ni Cardinal Farrell, “Itinuro niya sa atin kung paano mamuhay ayon sa mga pagpapahalaga ng Ebanghelyo — may katapatan, tapang, at pag-ibig na walang hanggan, lalo na para sa mga dukha at naaapi. Buong pasasalamat naming iniaalay ang kanyang kaluluwa sa walang hanggang awa ng Diyos.”

Matatandaan na noong Pebrero 14, 2025, dinala si Pope Francis sa Agostino Gemelli Polyclinic Hospital dahil sa bronchitis. Pagsapit ng Pebrero 18, kumpirmado nang mayroon siyang bilateral pneumonia.

Bagama’t kritikal ang kanyang kondisyon, nakalabas siya ng ospital matapos ang 38 araw ng gamutan at bumalik sa Vatican upang ipagpatuloy ang paggaling. Ayon sa mga ulat, humina ang kanyang baga matapos operahan noong 1957, kung saan tinanggal ang bahagi ng kanyang baga dahil sa malubhang impeksyon.

Sa pagpanaw ng Santo Papa, inaasahan na tatawagin sa mga susunod na araw ang mga Cardinal ng Simbahang Katoliko upang magsagawa ng Conclave para sa paghalal ng bagong Papa. (Ulat ni ARSENIO TAN)