January 22, 2025

PONDOHAN ANG DAGDAG-SAHOD, HINDI ANG AKAP – COLMENARES

NANAWAGAN si dating Bayan Muna Congressman Neri Colmenares sa mga mambabatas na gumawa ng batas upang taasan ang sahod ng mga manggagawa sa halip na maglaan ng pondo para sa programang Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) susunod na taon.

Ayon kay Colmenares, pantapal ang AKAP sa kabiguan ng pamahalaan na tuguan ang pangunahing problema ng hindi sapat na sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Mas mainam sana aniya na ang P26.159 bilyon na inilaan para sa AKAP sa 2024 budget ay gastusin sa pagpapatupad ng malaking dagdag-sahod para sa mga obrero sa publiko at pribadong sektor.

Giit niya, ang kailangan ng ating mga kababayan ay hindi pansamantalang ayuda kundi isang nakabubuhay na sahod na makakapagtaguyod ng kanilang mga pamilya.

“Ang AKAP ay pansamantalang solusyon lamang na malamang ay gagamitin pa para sa pamumulitika. Sa halip na magbigay ng P3,000 hanggang P5,000 na one-time ayuda, dapat ay itaas ang sahod ng mga manggagawa sa nakabubuhay na antas na P1,200 kada araw at hindi lang nakaasa sa ayuda,” ani Colmenares.

Ipinunto ng Bayan Muna nominee na ang kasalukuyang minimum na sahod sa NCR na P645 at ang kaunting pagtaas sa ilalim ng SSL VI para sa mga empleyado ng gobyerno ay kulang na kulang sa tinatayang sahod na kailangan ng mga pamilyang Pilipino.

“Hindi makatarungan na habang tumataas ang presyo ng bilihin at serbisyo, napakaliit ng itinaas ng sahod ng mga manggagawa. Sa SG1 employee, P17.67 lang ang dagdag sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya. Paano ito makakasapat?” tanong ni Colmenares.

“Hinihiling namin na sa halip na pansamantalang dole-out, dapat na isabatas ng gobyerno ang malaking pagtaas ng sahod at ipatupad ang tunay na mga reporma sa ekonomiya na makikinabang sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya,” pagtatapos niya.