January 23, 2025

PONDO KONTRA CERVICAL CANCER SUPORTADO NG DBM

SUPORTADO ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman ang panawagan ng health experts palakihin pa ang budget ng bakuna laban sa Human Papilloma Virus o HPV na nagiging sanhi ng cervical cancer ng mga kababaihan.

Siniguro ng kalihim na suportado nila ang panukala ng Department of Health (DOH) na palawakin pa ang programa ng HPV immunization para sa mga kababaihan.

Aniya, bilang isang babae ay naiintindihan niya kung gaano kahalaga ang maprotektahan laban sa mga sakit katulad na lamang ng cervical cancer.

Ngayong taon nga ay naglaan ang pamahalaan ng P537-M na pondo para sa HPV vaccination program base sa 2024 General Appropriations Act kung saan plano umano nilang palakihin pa ito sa susunod na taon.

Kung matatandaan nitong Abril ay sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na itutulak niya sa DBM na dagdagan ang pondo ng HPV vaccination dahil target umano ng kanilang kagawaran na mabakunahan ang 95% ng mga kababaihang edad 9 hanggang 14 taong gulang bago pa ito maging sexually active.

Ayon sa datos, 17% lamang ng mga kababaihang edad 15 pababa ang nakikinabang sa libreng HPV vaccine ng DOH. Ito ay katumbas lamang ng 2.7 milyong babae mula sa kabuoang 16 milyon.

Ang Cervical Cancer nga ang ika-apat sa most common cancer sa mga kababaihan sa buong mundo. NGunit mas mataas ang kaso nito sa Pilipinas dahil ito ang itinuturing na pangalawa sa pinakamaraming kaso ng cancer ng mga babae.

Ayon pa sa DOH, 12 babae ang namamatay araw-araw dahil sa Cervical Cancer.

Ang Human Papilloma Virus o HPV ay nakukuha sa unprotected sex lalo na kung mayroong multiple sexual partner. Ito ang itinuturing na isa sa mga sanhi ng Cervical Cancer ng mga kababaihan.