November 16, 2024

PNR, 5 taon tigil-operasyon sa Metro Manila

Susupendehin ng Philippine National Railways (PNR) ang operasyon nito sa Metro Manila sa loob ng limang taon, simula Marso 28, upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North South Commuter Railway (NSCR) project.

Ayon sa PNR, pansamantalang ititigil ang operasyon nito mula  Governor Pascual hanggang Tutuban at Tutuban hanggang Alabang.

Sa ipinarating na mensahe ng PNR sa INQUIRER.net, aabutin ng limang taon ang tigil-operasyon para mapabilis ang konstruksiyon ng NSCR.

Sa panahon ng pagtigil sa operasyon ng PNR sa MM, mapapabilis ng walong buwan ang konstruksiyon ng NSCR, at makakatipid ng hindi bababa sa P15.18 bilyon mula sa proyekto.

Ayon kay Department of Transportation Secretary (DoTR) Jaime Bautista, isasara ang mga serbisyo ng PNR upang tiyakin na ligtas ang mga pasahero habang isinasagawa ang konstruksiyon ng NSCR.

Nag-ayos din ng mga alternatibong mga ruta ng bus upang magbigay serbisyo sa mga pasahero na maapektuhan sa panahon ng pagtigil ng PNR.

Inaasahang susunduin ng mga bus sa ruta ng Tutuban papuntang Alabang at vice versa ang mga pasahero malapit sa kasalukuyang ruta ng PNR.