November 5, 2024

PNP SUPORTADO ANG PANUKALANG GAWIN 16 ANYOS ANG EDAD PARA SA STATUTORY RAPE

NAGPAHAYAG  ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa ginawang pag-apruba ng Senado sa panukalang batas na itaas sa labing anim na taong gulang ang edad ng mga maparurusahan sa pamamagitan ng statutory rape mula sa dating labing dalawang taong gulang.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar, suportado niya ang nasabing panukala dahil sa malaki ang maitutulong nito para protektahan ang mga kabataan mula sa anumang uri ng pang-aabusong sekswal.

“Suportado ng PNP ang panukalang ito upang mas maprotektahan natin ang mga bata na nagiging biktima ng rape sa ating bansa. Naniniwala ako na panahon na rin upang repasuhin ang batas hinggil sa rape dahil na rin sa nagbabagong sitwasyon sa lipunan,” wika ni PGen Eleazar.

Dagdag pa ni PGen Eleazar, “Any measure that will ensure the creation of a safer environment for children will always be supported by the police organization,”.

Pinapurihan din ng PNP Chief ang mga mambabatas na nagpasa ng nasabing panukala sa Senado dahil sadyang napapanahon aniya ang ganitong uri ng pagtugon sa problema ng child sexual abuse.

Sa botong 22-0-1, inaprubahan ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang Senate Bill 2332 o ang Act Increasing the Age for Determining Statutory Rape and other Acts of Sexual Abuse and Exploitation to Protect Children.

Layunin ng nasabing panukalang batas na amyendahan ang Republic Act 3815 o ang Revised Penal Code at RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Nakasaad sa ilalim ng panukala na lalaki man o babae, anuman ang kanilang sexual orientation ay maaaring kasuhan ng statutory rape basta’t napatunayang nagkasala.

Sa ngayon ang PNP’s Women and Children Protection Office ang siyang humahawak ng mga kaso patungkol sa anumang uri ng pang-aabuso laban sa mga menor de edad. (KOI HIPOLITO)