November 24, 2024

PNP SUPORTADO ANG PAGBABAWAL SA MGA TAONG BAKUNADO NA MULING GUMAMIT NG IBA PANG MGA BAKUNA

Nagpahayag ng suporta si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar sa mga ordinansang nagbabawal sa mga bakunado na kontra COVID-19 na muling magpaturok pa ng karagdagang bakuna bilang boosters shots partikular na iyong mga libreng ibinibigay ng mga lokal na Pamahalaan.

Sinabi ito ni PGen Eleazar, “Huwag tayong maging gahaman sa bakuna. Marami pa sa atin ang hindi nababakunahan, maski first dose, dahil na din sa limitadong suplay na nakararating sa bansa,”

Dagdag pa niya, “Bukod dito ay wala pa’ng rekomendasyon ang mga eksperto kung ligtas ba ang booster shots at kung tunay na epektibong proteksyon sa COVID-19 at sa iba pang mga variants nito,”

Nauna dito, nanawagan si Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos sa mga alkalde sa National Capital Region na magpasa ng mga resolusyon at ordinansa na magpaparusa sa mga taong kukuha ng booster shots gamit ang mga bakunang binili ng Gobyerno.

Diin pa ni Abalos na kulang pa rin ang suplay ng mga bakuna sa bansa.

Hinikaya ni PGen Eleazar, ang publiko na isipin ang kapakanan ng kapwa lalo at marami pa ang hindi pa nabibigyan ng pagkakataon para makapagpabakuna kahit unang dose kontra COVID-19.

Aniya, “Sa mga kumpleto na sa bakuna, huwag na nating agawan pa ang mga kababayan natin na kailangan din naman ng proteksyon,”

Dagdag pa ng PNP Chief, “Ito ay para na din sa kaligtasan ng lahat dahil hindi tayo sigurado kung may masamang epekto sa katawan ang booster shots lalo na kung iba-ibang brands ang naiturok sa atin,”

Kasalukuyan ngayon pinag-aaralan ng Department of Science and Technology (DOST) kung maaari bang pagsamahin ang iba’t ibang brand ng mga bakuna kontra COVID-19.

Samantala sa Lungsod ng Quezon, dalawa naman ang sinampahan ng patung-patong na reklamo makaraang makakuha ng booster shot sa siyudad sa kabila ng pagiging bakunado na nito kontra COVID-19. Dahil dito ay kinasuhan sila ng paglabag sa ordinansa hinggil sa anumang pandaraya sa pagbabakuna kontra COVID-19. (KOI HIPOLITO)