January 13, 2025

PNP HANDANG TUMULONG PARA MATIYAK ANG SEGURIDAD SA PAGSISIMULA NG FACE-TO-FACE CLASSES


NAGPAHAYAG si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar tungkol sa kanilang kahandaang tumulong para sa gaganaping pilot-run ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

“Kasalukuyang naghahanda na ang inyong PNP sa pag-uumpisa ng face-to-face classes sa mga ilang piling paaralan sa ating bansa,” ayon kay Eleazar.

Dagdag pa niya: “I have already directed the unit commanders concerned to coordinate with the respective local offices of Department of Education and the Commission on Higher Education to discuss how the PNP could help on this matter.

Una rito ay sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nasa kabuoang 90 pampublikong paaralan ang pinayagang makilahok sa pilot run ng face-to-face classes na sisimulan sa Nobyembre 15.

Sinabi din niya na nasa dalawampung pribadong paaralan din ang ikinukonsidera na makapagsimula na rin ng pilot run ng face-to-face classes sa Nobyembre 22.

Kinakailangan na lamang din na magkasundo ang mga Lokal na Pamahalaan at mga magulang ng mga estudyante para mapabilang sa pilot run.

“Kasama ang inyong PNP na sumusuporta sa unti-unti nating pagbabalik sa normal at patuloy ding nakatutok ang inyong kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa hindi lang sa banta ng COVID kundi pati na rin sa iba pang banta sa seguridad ng ating mga guro at estudyante,” wika ni PGen Eleazar. (KOI HIPOLITO)