November 24, 2024

PNP AT PDEA NAGKABAKBAKAN SA QC; 2 PATAY (Buy-bust operation, sumablay)

DALAWANG tauhan ng Philippine National Police ang nalagas habang marami ang sugatan matapos makasagupa ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) Drug Special Operation Unit ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) malapit sa isang mall sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Base sa sketchy report ng pulisya mula sa Batasan police station, dakong alas-5:45 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga ahente ng special operations unit (DSOU) sa parking lot ng McDonald’s na katabi ng Ever Gotesco mall.

“Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng QCPD DSOU, sa kasagsagan ng operasyon hindi alam ng mga pulis na ang kanilang ka transaksiyon ay mga PDEA agents,” ayon sa report.

Ayon sa PNP, unang nagpaputok ang mga ahente ng PDEA dahilan para mauwi sa palitan ng putok. Tumanggi namang magkomento si PDEA spokesperson Derrick Carreon sa naturang alegasyon at sinabing hayaan na lamang lumabas ang katotohanan sa gagawing imbestigasyon ng binuong joint PNP-PDEA team.

Sugatan sa nangyaring engkwentro ang tatlong pulis, dalawang PDEA agents, at isang sibilyan na kasama rin ng PDEA, ayon sa sketchy report. (ARNOLD PAJARON JR)