December 31, 2024

Piskal patay sa pananambang

NASAWI makaraang tambangan ang isang Senior Assistant City Prosecutor ng Manila Regional Trial Court sa panulukan ng Quirino Avenue at Anakbayan Street sa Paco, Maynila kaninang umaga.

Ayon sa report ng Manila Police District, kaagad binawian ng buhay ang biktimang si Jovencio Senados, 61, ng Block 53, Lot 19, Villa Palao, Banli, Calamba City, Laguna, habang nakaligtas ang kanyang pamangkin na nagmamaneho ng sasakyan sa nangyaring pananambang.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa mukha at katawan ang nasabing biktima.

Napag-alaman na lulan ang biktima ng isang pulang Toyota Yaris na may plakang 05010 at binabagtas ang kahabaan ng westbound lane ng Quirino Avenue nang harangin sila ng pulang Toyota Innova dakong alas-10:52 ng umaga.

Sa sandaling ito, isang itim na Mitsubishi Montero ang sumulpot sa kanang bahagi ng sasakyan ng biktima at bahagyang binuksan ang bintana nito saka sunod-sunod na pinaputukan ang biktima gamit ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Matapos ang pamamaslang mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa westbound lane ng Quirino Avenue papuntang Taft Avenue.

Napag-alaman na kabilang sa pinakahuling mga kontrobersyal na kaso na hinahawakan ni Senados ay ang nangyaring pagpatay kay Butuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III sa Vito Cruz Street sa Sampaloc, Manila.

Samantala, agad ding kinondena ng grupo ng mga prosecutor ang pangyayari.

Si DOJ Secretary Menardo Guevarra ay hiningi rin ang tulong ng NBI sa imbestigasyon sa naturang ambush-slay case sa Manila chief inquest prosecutor.