January 23, 2025

Piolo Pascual at Direk Joyce, ‘di pinapasok sa Sagada

PUMUNTA sina Piolo Pascual, Direk Joyce Bernal at ang kanilang TV crew sa popular na tourist town, ang Sagada, Mountain Province noong Hulyo 5 upang mag-shoot ng gagamitin nilang background para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27.

Pero kahit “adopted son” daw ng Sagada, Mountain Province si Piolo, at may dala rin silang authorization letter from the Malacañang Broadcast Staff ng Radio Television Malacañang, hindi sila pinayagang pumasok sa lugar

 “Sumunod naman ho ang grupo ni Piolo Pascual at Direk Joyce Bernal, kahit may dala pa silang letter mula sa Malacañang. May protocol silang pinaiiral sa Sagada, kaya kahit bigo ay nilisan nila ang lugar. Strikto sila sa kanilang quarantine ordinance, at okay naman ho kina Direk Joyce at Piolo kung para sa ikabubuti ng lahat,” ayon sa ating source.

“Ang hiling lang po ng grupo, huwag na itong bigyan pa ng ibang kulay. Sa side naman nila ay naunawaan naman nila ang ipinatutupad na health proticols ni Vice-Mayor Felecito Dula at ng Sagada council na hindi magpapasok ng hindi residente ng lugar para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Kaya nilisan na lamang nila ang nasabing lugar. Dahil para naman iyon sa ikabubuti ng lahat, hindi lamang sila maging sa mga naninirahan sa Sagada,”  dagdag pa ng aking source.