June 8, 2025

Pinuno ng Japanese Crime Syndicate, Nalambat ng BI sa Pampanga

ANGELES CITY, Pampanga — Arestado ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang high-profile na Hapong pugante na pinaniniwalaang lider ng isang kilalang transnational crime syndicate na sangkot sa malawakang pandaraya at pagnanakaw sa Asya.

Kinilala ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy ang suspek na si Ryuji Yoshioka, 54 taong gulang, na naaresto noong Hunyo 4 sa isang operasyon sa Angeles City, Pampanga. Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines sa Northern Luzon.

Ayon kay Sy, si Yoshioka ang sinasabing lider ng JP Dragon Syndicate, isang grupong kriminal na nakabase sa Japan na sangkot umano sa malawakang pagnanakaw at telecom fraud sa Southeast Asia. Iniugnay rin ang grupo sa money laundering at iba pang ilegal na gawain na nakapinsala na sa maraming biktima.

Ang pagkakaaresto kay Yoshioka ay alinsunod sa isang summary deportation order na inilabas noong 2023.

Samantala, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na may aktibong warrant of arrest si Yoshioka mula sa gobyerno ng Japan kaugnay ng kasong pagnanakaw sa ilalim ng Japanese Penal Code. Idineklara na rin umano siyang fugitive from justice ng kanilang pamahalaan.

“Ang presensya niya sa bansa ay seryosong banta sa pampublikong kaligtasan at pambansang seguridad,” ani Sandoval.

Lumilitaw sa rekord ng BI na dumating si Yoshioka sa Pilipinas noong 2022 at hindi na umalis mula noon. Matapos ang kanyang pagkakaaresto, isinailalim siya sa booking procedures at inilagak sa warden facility ng BI habang hinihintay ang kanyang pormal na deportasyon pabalik ng Japan.

Patuloy na pinaigting ng mga awtoridad ang operasyon laban sa mga dayuhang sangkot sa kriminalidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa bansa. (ARSENIO TAN)