December 24, 2024

Pinoy masaya sa performance ni Duterte sa kabila ng pandemya – survey

NASIYAHAN ang 91% sa naging performance ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng kinakaharap na krisis ng COVID-19 ng bansa na gumambala sa buhay at kabuhayan ng milyong-milyong Filipino, ayon sa isinagawang survey.

Ito ang lumabas na resulta sa isinagawang survey mula Setyembre 14 hanggang 20 ng Pulse Asia, – na nilahukan ng 1,200 katao edad 18 pataas sa buong Pilipinas.

Lumabas naman na 5 percent ang di aprub sa pangulo at 5 percent din ang undecided.

Isang porsyento naman ang natapyas sa approval rating ng Vice President Leni Robredo sa 57 percent mula sa 58 percent sa naunang survey kung saan 22 percent ang nakuhang disapproval rating nito at 21 percent ang undercided.

Samantala, pumapangalawa naman si Senate President Tito Sotto III na nakakuha ng 84 percent approval rating habang 6 percent ang disapproval rating, at 10 percent ang undecided.

Bumaba naman ng 10 percentage points si Speaker Alan Peter Cayetano na nakakuha ng 70 percent kumpara sa kanyang rating noong nakaraang siyam na buwan. Nakakuha sya ng 10 percent disapproval rating at 19 percent ang nagsabing undecided.

Panghuli naman si Chief Justice Diosdado Peralta na nakakuha ng 44 percent approval rating.

Kinantiyawan naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang approval rating ni Robredo at sinasabing resulta ito ng “pamumulitika” ng vice president.

Naku, Madame VP, mukhang tama ang aking sinabi – ayaw ata ng mga Pilipino sa mga namumulitika sa panahon ng pandemya. Subukan natin itigil ang pulitika, baka po tumaas nang mas mataas sa 50% ang trust rating at mataas po sa 57% ang performance rating.”

Sinagot naman ito ng spokesperson ni Robredo  na si Barry Gutierrez, at sinabing sang-ayon sila na ayaw nga ng mga Pilipino sa pamumulitika.

“Tama naman. Kaya nga karamihan pa rin ng ating mga kababayan suportado pa rin si VP Leni. Malinaw kasi na kahit katiting ang budget ng opisina, patuloy ang panlalait at paninira, at panay ang pagpakalat ng fake news sa Facebook laban sa kanya – nagtratrabaho pa rin siya para sa kapakanan ng marami,” ayon kay Gutierrez.