April 27, 2025

Pinoy FM Ivan Travis Cu sa Hungary… SECOND BEST SA BUDAPEST CHESS

TINAPOS ng FIDE Master (FM) na si Ivan Travis Cu ng Pilipinas ang First Saturday IM April 2025 Chess Championship bilang ikalawang pwesto sa torneo na ginanap nitong buwan lamang sa Hotel Golden Park, Budapest, Hungary.

Nagtala si Cu ng mahalagang panalo laban kay Arena FIDE Master Pavan sa huling round upang tapusin ang kanyang kampanya na may kabuuang 6.5 puntos mula sa limang panalo, tatlong tabla, at isang talo. Nangibabaw sa torneo si Li Wenxiang ng China sa kanyang tala na 7.0 puntos.

Matapos ang pagkatalo kay Li Wenxiang sa unang laban at isang tabla kontra International Master (IM) J. Sai Agni Jeevitesh ng India sa ikalawang round, bumangon si Cu sa pamamagitan ng sunod-sunod na panalo laban kina IM Kanan M. Geidarli ng India, Lut Yin Luke Lau ng Hongkong, Grandmaster (GM) Lajos Seres ng Hungary, at Siddharth Singh ng Estados Unidos sa ikatlo, ikaapat, ikalima, at ikaanim na rounds.

Na tabla niya sina FIDE Master Levente Papp ng Hungary at Woman FIDE Master (WFM) Ganta Kheerthi ng India sa ikapito at ikawalong rounds bago tuluyang winalis si Arena FIDE Master Pavan sa ikasiyam at huling round.

Bunga ng kanyang mahusay na pagganap, kumita si Cu ng karagdagang 29.4 elo rating points at nagtala ng performance rating na 2405 sa FIDE Standard Round Robin format na torneo.

Ang kanyang kampanya sa Europa ay sinuportahan ng Go For Gold Philippines at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). (DANNY SIMON)