May panibagong 15,310 kaso ng COVID-19 sa bansa, pinakamataas sa nakalipas na pandemya.
Dahil dito sumipa na sa 771,497 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases mula nang pumutok ang pandemya sa bansa.
Ito na ang pinakamataas na numero ng mga bagong kaso ng COVID-19 na iniulat sa loob ng isang araw. Pero nilinaw ng DOH na ang 3,709 mula sa higit 15,000 ay mula sa “backlog” ng mga datos noong March 31.
Ibig sabihin, aabot sa 11,601 ang bilang ng mga nag-positibo mula sa inireport ng mga laboratoryo kahapon. Maituturing pa rin itong pinakamataas mula sa 10,016 noong Lunes, April 29.
“We’ve encountered some issues in uploading cases in the system last March 31. We have resolved this issue – and we no longer have backlogs,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“However, with this, around 3.7K cases that were supposed to be reported last Mar 31 will just be reported today as part of the total cases.”
Batay sa datos ng DOH, nasa 20.7% ang positivity rate o bilang ng mga nag-positibo mula sa 35,143 na sumailalim sa COVID-19 test nitong Huwebes.
Samantala, sumirit na 153,809 ang bilang ng active cases o mga nagpapagaling mula sa sakit. Ito na ang pinakamataas sa buong Southeast Asia.
Ayon sa Health department, 96.3% sa mga ito ang mild cases; 2.4% asymptomatic; 0.5% severe at critical cases; at 0.32% moderate cases.
Nadagdagan naman ng 434 na bagong gumaling ang total recoveries na ngayon ay nasa 604,368 na. Habang 17 ang naitalang bagong namatay para sa 13,320 total deaths.
“12 duplicates were removed from the total case count. Of these, 9 are recoveries. Moreover, 5 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation.”
Ilang araw nang nag-uulat ang DOH ng mababang bilang ng COVID-19 deaths. Ito’y sa kabila ng mga ulat mula sa ilang pagamutan na marami nang namamatay sa coronavirus.
“We are in close coordination with the RESUs (Regional Epidemiology and Surveillance Units) for immediate flagging of spikes in reported deaths. So far, there is none. We are continuously monitoring this,” ayon sa Health department. Inamin ng DOH na hindi kasali sa datos na ini-ulat nila ngayong araw ang report mula sa pitong laboratoryo na bigong makapag-sumite ng datos kahapon.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY