December 24, 2024

‘Pinas inaasahang matatanggal sa greylist ng FATF… PINAY NA FINANCIER NG ABU SAYYAF, NAKORNER SA SULU

Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na malaki ang maitutulong nang pagkaaresto kay Myrna Mabanza,  na kasabwat ng international terrorist na ISIS at Abu Sayyaf, upang matanggal sa greylist ng Financial Action Task Force, o FATF, ang Pilipinas.

Ang FATF ay binubuo ng mga kinatawan ng maraming bansa na nagbabantay at lumalaban sa money laundering at pagpopondo sa terorismo.

Ang 32-anyos na si Mabanza, ay mabigat na personalidad dahil itinuturing siyang kilabot na teroristang iniuugnay sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at Al-Qaeda at idineklarang global terrorist ng Security Council ng United Nations at ng US Dept of Treasury.

Naaresto kahapon si Mabanza sa Barangay Padilla, Indanan Sulu at sinasabing  kabilang sa Al Qaeda Terrorism Financing Facilitator.

Ayon kay DOJ Undersecretary Nicolas Ty, pinapatunayan sa ginawang operasyon ang pagpupursige ng Pilipinas sa paglaban sa terorismo.

Sinabi ni Ty na mahalagang matanggal sa greylist ang Pilipinas upang hindi maapektuhan ang mga transaksyon ng overseas Filipinos.

Natukoy din ng gobyerno na ilan sa transaksyon ni Mabansa na bumagsak sa kamay ng Abu Sayyaf ay idinaan sa money remittance centers

Nagkakahalaga ito  US$107,000 o mahigit 5 milyong piso, na ayon sa mga otoridad ay nagamit sa pagbili ng mga armas ng bandidong grupo.

Ayon naman kay Atty Emmett Manantan ng Anti Money Laundering Council,  ipinakikita sa pagkakahuli kay Mabanza at pagsusulong ng mga kaso ang whole of nation approach na epektibo sa paglaban at pagpopondo sa terorismo.

Si Mabanza ay may warrant of arrest na inisyu ng isang regional trial court sa Zamboanga City noong nagdaang December 20, 2023 dahil sa limang bilang nang paglabag sa  Republic Act 10168 o anti-terrorism financing prevention and suppress act at Republic Act 11749, kabilang na ang Anti Terrorism Act.