January 25, 2025

Pinakamaraming recoveries sa COVID-19, naitala sa Navotas

NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Navotas City Mayor Toby Tiangco matapos naitala sa lungsod ang pinakamaraming bilang ng mga gumaling sa COVID-19 sa loob ng isang araw kahapon, Agosto 12.

“Lubos po ang ating kasiyahan na 285 sa ating mga kapwa Navoteño ang gumaling at kapiling na ng kanilang mga mahal sa buhay. Ito po ang pinakamaraming recovery natin sa isang araw,” anang alkalde.

102 naman ang kumpirmadong nahawaan ng nasabing sakit at isa sa kanila ang pumanaw na.

“Humihiling po ang mga medical frontliners na palawigin pa ang pagpapatupad ng MECQ sa buong NCR. Ayon sa kanila, nasa 70% pa rin ang occupancy ng mga ospital at inaalala nilang mabilis na mapupuno ito kung babalik na tayo sa GCQ,” sabi ni Tiangco.

Aniya, maraming hanapbuhay ang apektado ng quarantine ngunit kung iisipin, walang trabahong mapupuntahan kung tayo o ang mga katrabaho natin ang magkaroon ng sakit.

“Ang trabahong iniingatan natin ay maaaring mawala rin kung patuloy ang hawaan. Tayo mismo ang makakaprotekta sa ating sarili, sa ating pamilya, at sa ating mga kababayan,” dagdag ng alkalde.

Ayon sa City Heatlh Office hanggang 8:30 ng August 12, nasa 3,491 na ang kabuuang bilang ng timaan ng naturang sakit sa lungsod, 1,471 dito ang active cases, 1,916 ang gumaling na, at 104 ang namatay.

Samantala, iniulat ng Navotas City Police kay Mayor Tiangco na umabot na sa 1,324 ang mga nahuling lumabag sa ipinatutupad na mga safety measures para maging protektado sa COVID-19.

Sa bilang na ito, 1,127 ang hindi nagsuot ng face mask o hindi tama ang pagkakasuot, 82 ang lumabag sa curfew, at 115 ang nakikipagkumpulan at ‘di sumunod sa isa hanggang dalawang metrong physical distancing.