January 10, 2025

PHLPOST BUBUKSAN MAS MARAMING NEXT-DAY DELIVERY HUBS

NAKATAKDANG buksan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang mga bagong Express Mail Service (EMS) delivery hub sa National Capital Region (NCR) upang palakasin ang domestic at international EMS simula Enero 13.

Ayon sa PHLPost, ang karagdagang hubs ay sa Maynila, Quezon City at Makati City central post offices.

Ang karamihan ng mga express mail item ay naihahatid sa iba’t ibang lokasyon sa NCR ng Central Exchange Center (CMEC) hub sa Pasay City.

Ililipat ang mga EMS delivery personnel, drivers at couriers mula CMEC patungo sa mga karagdagang hub kung saan magsisimula ang delivery sa ilalim ng bagong sistema.


Ang mga bagong hub na ito ay magbibigay sa mga customer ng mas mahusay na access, kaginhawaan, at makakatipid pa sila sa kanilang EMS transactions.

Pinapaalalahanan ang publiko na ang mga hindi naipadalang item ay itatago ng pitong araw upang bigyan ng oras ang mga customer na i-request na muling i-deliver o kunin ang mga item sa halip na pumunta sa CMEC sa Lungsod ng Pasay.

Ang EMS next-day delivery ay dinisenyo upang i-optimize ang serbisyo sa Metro Manila.

Ang Domestic Express Mail para sa Metro Manila na na-mail sa mga post office pagkatapos ng cut-off time ay maide-deliver sa loob ng 48 oras.

Ang cut-off time ay alas-2 ng hapon. para sa mga post office sa Caloocan, Valenzuela, Marikina, Novaliches, Pasig, Pateros, Taguig, Mandaluyong, San Juan, SM Mall of Asia, at SM Manila. Samantala, ang cut-off time sa Manila, Makati, Quezon City, Pasay, Parañaque, Muntinlupa, at Las Piñas ay sa ganap na 3:30 ng hapon. (ARSENIO TAN)