April 1, 2025

PHILPOST, BSP INI-EXHIBIT PINAKAMALAKING STAMP COLLECTION

MATAGUMPAY na inilunsad ang isang exhibit na tampok ang Boy Scouts of the Philippines at Pope Philatelic Stamps sa Van Gogh Hotel, Ilocos Sur ng Boy Scouts of the Philippines at Philippine Postal Corporation (PHLPost).

Ipinakita sa naturang exhibit ang iba’t ibang stamps na nagtatampok sa iba’t ibang kasaysayan at diwa ng scouting sa bansa at ang mahalagang papel ng Simbahang  Katoliko sa pag-inspire at paggabay sa mga tao. Layon din nito na i-promote ang pagkakaisa, serbisyo at pananampalataya sa pamamagitan ng unique stamps na sumasalamin sa mayamang kultura at kasaysayan ng Pilipinas.

Dumalo sa event si BSP Secretary General Kim Robert de Leon na siyang may hawak ng dalawang Guinness World Records dahil sa kanyang malawak na stamp collections.

Ang iba pa niyang koleksyon ay kinabibilangan ng mga stamp na nagtatampok sa Scouts, na sertipikado rin ng Guinness, at iba pang koleksyon na nagtatampok sa Christmas, Madonna, at iba pa.

Noong 2022, nasungkit niya ang record para sa pinakamalaking koleksyon ng stamps na nagtatampok sa Santo Papa, na umabot sa 2,398 stamps.

Ang koleksyon na ito ay pangunahing kinabibilangan ng mga stamp ni Pope John Paul II at Pope Francis, na parehong nakabisita na sa Pilipinas.

Napag-alaman na sinimulan ni De Leon ang pangongolekta ng stamps bilang kanyang libangan at may matinding interes sa mga Santo Papa sapagkat siya ay isang active member ng Church Ministry.

Ang kanyang stamps collection na nagtatampok kina Pope John Paul II at Pope Francis ay naidisplay na sa ilang Papal Roadshow Exhibits sa bansa.

Kasama rin sa dumalo sa Pope Stamp Exhibit si Mayor Eric Singson, mga opisyal ng BSP, representatives mula sa PHLPost at iba pang kilalang mga bisita, binibigyang-diin ang kahalagahan ng philately sa pagpapanatili ng kasaysayan. (ARSENIO TAN)