November 5, 2024

PHILIP SALVADOR TATAKBONG SENADOR SA 2025

UMANI ng kaliwa’t kanang batikos ang desisyon ni 1997 FAMAS Best Actor Philip Mikael ‘Ipe’ Salvador na paunlakan ang nominasyon sa kanya ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP) na kumandidatong senador sa nalalapit na mid-term elections sa susunod na taon.

Inihayag ni Salvador ang kanyang desisyon kasabay ng pangakong maghahatid siya ng mahusay na serbisyo publiko na nakita niya raw mismo kung paano inilapit ng kaibigang si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go at iba pang politiko tulad ni neophyte senator at kabarong actor na si Robin ‘Robinhood’ Padilla ang pamahalaan sa mamamayan.

“Mananatili ako sa PDP hanggang sa huli kong hininga. Tandaan ninyo. Maraming salamat po. Ako po si Philip Salvador, hindi po ako abogado, hindi po ako doctor, hindi po ako engineer, ako po’y isang artista ng PDP na magiging epektibong magserbisyo sa mga Pilipino,” sambit ng aktor na higit na kilalang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagpulong kamakailan sa Cebu City ang PDP na pinamumunuan ng dating Pangulo para sa 2024 National Convention ng PDP-Laban na nagdiwang ng ika-42 anibersaryo.

Sa nasabing pulong din, inalis na ang katagang ‘Laban’ sa pangalan ng partidong itinatag ng yumaong ama ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.

Kabi-kabilang reaksyon naman ang ipinahayag ng mga netizens – karamihan, dismayado sa pagtakbo ni Salvador bilangg senador sa susunod na taon.

May mga nagpasaring na sayang lang ang ipapa-sweldo sa aktor kung sakaling manalo sa 2025 midterm election.

Wika naman ng isa sa mga bumabatikos na netizen: “Retirement investment ng mga laos na artista ang politika dito sa Pilipinas.”

“Tama na po si Robin na lang, wag na pong dagdagan,” hirit naman ng isa pang basher.

“Dyusko… kahit DDS ako, hindi ko yan iboboto! Tama na mga artista oi,” reaksyon pa ng isa. 

Kung pagbabatayan ang mga nakalipas na halalang nilahukan ng mga artista, matabang din ang pagtanggap ng publiko sa mga aktor na kumandidato tulad nina Lito Lapid, Robin Padilla at iba pang sumabak sa mundo ng politika.

“Puro lang sila pintas at batikos pero ang totoo, nananalo pa rin ang mga ‘yan dahil popular sila at may fan base na sumusuporta sa kanila,” wika naman ng isa pa.