Nasesentro sa Department of Budget and Management Procurement Service (PS-DBM) ang malawakang pananamantala sa pondong pantugon sa COVID-19 pandemic na kinasasangkutan ng ilang grupo at personalidad.
Ito ang nakikitang dahilan ni Senador Panfilo Lacson para mas laliman pa ng Senate Blue Ribbon Committee ang ginagawa nitong imbestigasyon sa mga iregularidad ng Department of Health (DOH) at bigyan ng ibayong atensiyon ang papel na ginampanan ng PS-DBM.
“Maliwanag naman may tinutumbok tayo rito na large-scale corruption. What makes it worse, sa gitna ng pandemya, may kumikita,” banggit ni Lacson sa panayam ng DWIZ radio.
“At ang perang ito galing sa utang. Di ba magagalit ka?” dismayadong banggit pa ng mambabatas.
“Hindi natin dapat ito tatantanan!” diin ni Lacson.
Binanggit ni Lacson na natutumbok na ng imbestigasyon ang katiwalian sa harap ng pandemya matapos makuha ni Lloyd Christopher Lao ang pagiging pinuno ng PS-DBM sa pamamagitan ng pag-aplay sa puwesto nang mabatid na ito ay mababakante bunga ng problema sa kwalipikasyon ng dating namumuno.
Sa obserbasyon ni Lacson, hindi ginawa ni Lao ang tungkulin nito na suriing mabuti ang legalidad at kwalipikasyon ng Pharmally Pharma Corp., na nakakapagtakang nakakuha ng P8.6 bilyon na kontrata kahit na nabuo lamang ito noong Setyembre 2019 at may puhunang P600,000 lamang.
“If he did not do due diligence and he is a lawyer, one will presume it is deliberate. Definitely one cannot consider it an oversight,” mariing pahayag ni Lacson.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang posibleng papel ng dating presidential adviser for economic affairs na si Michael Yang, na kasama ang mga opisyales ng Pharmally sa isang video na ipinalabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Biyernes.
“We want to focus on this particular issue. Sino ang involved sa napakalaking halaga na na-award sa virtually unknown company na ang director di mahagilap kasi fictitious ang address? Yun pa lang that’s already a crime,” ayon kay Lacson.
“May target silang malaking pera para sa supplies,” dugtong ng mambabatas.
Idinagdag pa ni Lacson na bukod sa mga nabanggit ay tututukan din nila ang dahilan ng paglipat ng DOH nitong 2020 sa P42 bilyong pondo na pambili ng “common supplies and equipment” tungo sa PS-DBM. “Who ordered the transfer of the P42 billion to PS-DBM to procure? Is it not the DOH that has the competence to select the suppliers? Why pass that task to the PS-DBM?” pahabol na tanong ni Lacson.
More Stories
MIAMI HEAT HINDI ITI-TRADE SI JIMMY BUTLER
PRESYO NG MGA BILOG NA PRUTAS NAGMAHAL NA
LOLO DEDO SA SINTURON NI HUDAS; 125 BIKTIMA NG PAPUTOK