December 24, 2024

PHAPI: COVID-19 beds ng pribadong hospital, aabot na sa full capacity

Malapit nang umabot sa full capacity ang COVID-19 beds ng mga pribadong ospital sa gitna nang patuloy na paglobo ng bilang ng mga infected patients sa bansa.

Pahayag ito ni Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) president Dr. Rustico Jimenez matapos ideklara ng St. Luke’s Medical Center sa Quezon City at Taguig City, pati rin ang Makati Medical Center, na “full capacity” na ang kanilang COVID-19 intensive care unit beds.

Maraming COVID-19 patients na may mild cases kasi ang ayaw umalis sa mga private hospitals at lumipat sa isolation facilities ng pamahalaan.

Sang-ayon din si Jimenez sa pahayag ng Department of Health na nasa danger zone na ngayon ang capacity ng COVID-19 facilities ng mga ospital sa National Capital Region.

Pero sa kabila nito ay mas handa naman aniya ang mga health facilities natin kumpara sa mga nagdaang buwan.

Sa ngayon, naglabas na ng kautusan ang Department of Health sa mga ospital na maglaan ng 30 percent ng kanilang resources para sa COVID-19 patients.