January 23, 2025

PH Under-20 water polo team sasabak sa KL Malaysia Open

PH Water Polo team

Sasabak ang Philippine Under-22 water polo team  sa 65th MILO-DSA-PRM Malaysia Open Water Polo Championships na nakatakda sa Oktubre 4-6 sa National Aquatic Center sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Binubuo ng mga kabataan at kompetitibong manlalangoy na napili sa isinagawang  Pambansang tryout noong Hulyo, ang koponan ay binubuo nina Elijah Caleb De Leon, Lance Edrick Adalin, Lance Jacon Bautista, Matthew Cameron Dasig, Niklas Joaquin De Guzman, Kenzzie Trey Dumanglas, Alexandre Gabriel Establecida, Aishel Cid Evangelista, Julian Christi Malubag, Joaquin Federico Mirasol, Miel Joaquin Ugaban, Hugo Victor Lopez, Carl Malbas at Reynaldo Theodore Espineli.

“Ito ang unang international exposure para sa team. Bata pa sila ngunit puno ng potensyal. Ang torneo na ito ay bahagi rin ng kanilang paghahanda para sa Southeast Asian Age Group Championship sa Disyembre sa Bangkok, Thailand,” ani Philippine Aquatics, Inc. (PAI) Secretary-General Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.

Aalis sila patungong Malaysia sa Miyerkules kasama sina coach Sherwin Dela Paz, Teodore Roy Canete, Roi Dela Cruz, at referee Tani Gomez.

Hindi sasali sa koponan si Serbian coach Filip Stojanovic dahil ang kanyang pagtatalaga bilang team consultant/coach ay naaprubahan lamang ng Philippine Sports Commission (PSC) noong nakaraang linggo.

“But for almost three months, kasama na siya (Stojanovic) sa training ng team. Libre lang yung service for that period dahil gusto niya talagang maturuan ang mga bata. Inirekomenda agad ng PAI sa PSC ang coaching services ni Stojanovic, at noong nakaraang linggo ay na-apprubahan na ito,” ani PAI Executive Director Anthony Reyes.

Si Stojanovic, kasal sa isang Pinay na nakabase sa Iloilo City, ay miyembro ng National Team ng Serbia na nanalo ng 18 gintong medalya sa internasyonal na kampeonato mula 1998 hanggang 2010. (DANNY SIMON)