
MANILA — Inatasan ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang agarang pagtatapos ng isang customs cooperative arrangement sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong, na layong palakasin ang kalakalan at tiyakin ang kaligtasan ng mga produktong pumapasok sa parehong bansa sa harap ng lumalalang banta ng smuggling at iligal na kalakal.
“Ipinapaabot ko ang pasasalamat sa pamahalaan ng Hong Kong sa kanilang pakikipagtulungan sa usaping ito. Mahalaga ang kasunduang ito upang masiguro na kapwa epektibo at mabilis ang operasyon ng ating Customs Administrations. Responsibilidad natin na tiyakin na ang mga produktong dumaraan sa ating mga hangganan ay lehitimo, ligtas, at naaayon sa batas,” ayon kay Recto.
Ang kasunduan, na kasalukuyang nasa draft stage, ay resulta ng masusing pag-uusap sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC) ng Pilipinas at ng kanilang katapat sa Hong Kong. Ito ay tugon sa lumalaking pangamba ng mga bansa hinggil sa seguridad ng supply chain at sa patuloy na pag-usbong ng mga sopistikadong paraan ng cross-border smuggling.
Ang layunin ng kasunduan ay mutual administrative assistance—hindi para sa commercial transactions, kundi para sa kooperasyon sa pagpapatupad ng batas at pagsugpo sa mga customs-related offenses.
Kabilang sa mga pangunahing nilalaman ng kasunduan ang:
- Pagbabahagi ng impormasyon at intelligence para sa tamang pagpapatupad ng batas adwana
- Pagsugpo, imbestigasyon, at pag-iwas sa mga customs violations
- Pagpapalakas ng seguridad sa international trade supply chain
Sa ilalim ng bagong arrangement, inaasahan na mas magiging mabilis ang pagresponde sa mga banta ng smuggling at mas mapoprotektahan ang mga mamimili sa parehong bansa.
Ang kasunduang ito ay isa sa mga hakbang ng Department of Finance upang tiyakin ang patas, ligtas, at matatag na sistema ng kalakalan sa rehiyon.
More Stories
CIDG, huwag palagpasin ang ‘Payola Ops’ sa loob ng hanay
PBBM PINANGUNAHAN PAGWASAK SA P9-B DROGA
BIKER PATAY SA BUNDOL NG SUV SA SHAW BOULEVARD