December 25, 2024

PEZA OIC TERESO PANGA, KINASUHAN SA OMBUDSMAN

Apat na empleyado ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang nagsampa ng reklamo laban kay Officer-in-Charge Tereso Panga dahil sa umano’y pag-persecute sa kanila matapos maging supporters ni dating Director General Charito Plaza.

Sina Panga at Plaza ay nagkainitan sa kanilang pamunuan kung saan iginiit ni Plaza na nananatili siya bilang hepe ng ahensya dahil exempted ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa isang memorandum ng Malacanang na nagdedeklarang bakante ang ilang posisyon sa executive branch.

Ayon kay Atty. Amando Virgil Ligutan, sinabi ng ilan sa mga nagrereklamo na hindi na ni-renew ang kanilang mga kontrata habang ang ilan ay nakatalaga sa malalayong lugar.

Ang reklamo ay inihain laban kay Panga sa Office of the Ombudsman sa Visayas dahil sa pag-agaw ng posisyon, at mga paglabag sa code of conduct at ethical standards para sa mga pampublikong opisyal.

Hinimok din ng mga nagrereklamo ang Ombudsman na kumilos batay sa Anti-graft and Corruption Practices Act.

Nitong Lunes, sinasabi pa rin ni Plaza na siya pa rin ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Director General.

Samantala, ang appointment ni Panga bilang OIC ay kinumpirma ni Trade Secretary Alfredo Pascual.