Hiniling ng iba’t ibang grupo ng petitioners sa Korte Suprema na atasan ang pamahalaan upang magsagawa ng mass testing dahil sa matinding banta ng Coronavirus disease o COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga naghain ng petition for mandamus ay ang Citizens Urgent Response to End COVID-19, Coalition for the People’s Right to Health, Bahaghari, Migrante International, GABRIELA Network of Professionals, Allied Workers Federation, Kilusang Mayo Uno, Alliance of Concerned Teachers, at iba pa.
Ayon kay Atty. Catherine Panguban, ng National Union of Peoples Lawyers o NUPL, umaapela sila sa Korte Suprema na ipag-utos ang pagsasagawa ng libreng mass testing.
Hindi aniya sapat ang COVID-19 testing ng pamahalaan lalo na at patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.
Hindi rin anila maayos ang pagtukoy ng DOH sa mga kaso ng COVID-19 na ngayon ay may dinagdag pang klasipikasyon na “fresh at late cases” pa.
Tumatayong respondent sa kaso sina Health Secretary Francisco Duque III, Defense Secretary Delfin Lorenzana, pinuno ng National Task Force on COVID-19, DILG Secretary Eduardo Año at Transportation Secretary Arthur Tugade.
Hinihiling ng mga petitioner sa SC na atasan ang mga naturang respondent na magbigay ng maliwanag, sakto at kumpletong data “sa kalagayan ng bansa na dumaranas ng mabigat na pandemya.
Sa kanyang panig, pinaliwanag ni Dr. Josh San Pedro ng Coalition for the People’s Right to Health, na ang hiling nilang COVID-19 mass testing ay bahagi karapatan sa kalusugan ng mga Pilipino. Nais din ng mga petitioner na palawakin ang contact tracing, iayos ang health system at laboratory testing capacity sa bansa.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA