May 21, 2025

PERA NG OFW, PINAGLARUAN? (Anomalya sa OWWA land deal, lalong lumalalim)

MANDALUYONG CITY — Umuugong ang kontrobersiya! Mismong si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang nagbabala: walang makakalusot sa imbestigasyong isinasagawa kaugnay sa P1.4-bilyong land deal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para umano sa halfway house ng mga OFW!

“Walang exempted! Lahat ng dapat panagutin, hahabulin,” buwelta ni Cacdac sa isang panayam nitong Martes sa gitna ng Philippine-Czech Republic Friendship Week sa DMW head office.

Kwestyunableng transaksyon ang iniwan ng dating OWWA Administrator na si Arnell Ignacio, ayon kay Cacdac. Binili umano ang lupang malapit sa NAIA Terminal 1 nang walang pahintulot ng OWWA Board of Trustees, at pinaniniwalaang may mga paglabag sa proseso.

“May na-submit na kaming report sa Malacañang, pero tuloy pa rin ang hukay. Kailangan naming mas masusing tingnan kung bakit naituloy ang transaksyon nang walang kahit abiso—formal man o informal,” ani Cacdac.

Ngayong nakaupo na si Admin Patricia Yvonne Caunan bilang bagong pinuno ng OWWA, mas may kalayaan na raw ang ahensya na bungkalin ang ugat ng anomalya. Mismong si Caunan na rin daw ang nagsagawa ng sariling internal audit.

Nilinaw naman ng Malacañang na hindi nagalaw ang OWWA Trust Fund—na galing mismo sa pawis ng mga OFW at sa pondo ng gobyerno. Pero giit ni Cacdac, kailangang mapanagot ang sinumang lumabag sa batas at nagtangkang lustayin ang pera ng bayan.

ABANGAN: Sino ang kakasuhan? May sabwatang bubulgarin? Tiyak, sa halagang P1.4 bilyon, hindi lang simpleng pagkukulang ang sangkot dito!