Arestado ng mga tunay na pulis ang isang lalaking nagpanggap na isang police major makaraang masita ng mga tunay na pulis dahil walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong suspek na si Henry Teodoro, 39 ng Rosal St., Brgy. Maysilo, Malabon City.
Ayon kay PLT Robin Santos, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), nagpapatrolya sa McArthur Highway, Brgy. Malanday sina PSSg Edison De Guzman at PSSg Roland Belarma, kapwa ng Sub-Station 6 nang mapansin nila ang suspek na sakay ng isang motorsiklo nang walang helmet, nakasuot ng kumpletong uniporme ng pulis na may ranggong police major, at tsapa ng NCRPO.
Pumasok ang suspek sa isang convenience store at paglabas ay muli itong sumakay sa kanyang motorsiklo at doon na siya sinita ng dalawang pulis.
Habang hinahanapan ng helmet, napansin ng mga pulis na kulay orange ang suot na damit panloob nito na mahigpit na ipinagbabawal sa pagsusuot ng PNP uniform kaya’t nagduda sina De Guzman at Belarma.
Nang hanapan ng PNP identification card, badge number, tanungin kung saan sya nakatalaga at iba pang mga detalye tungkol sa PNP ay walang maipakita at maisagot ang suspek na kalaunan ay umaming hindi siya tunay na pulis dahilan upang arestuhin ito ng mga tunay na pulis.
Napag-alaman din na walang lisensya sa pagmamaneho ang suspek at wala ring rehistro ang kanyang motorsiklo.
Sasampahan ng kasong Usurpation of Authority, Illegal Use of Uniform or Insignia, Motorcycle Helmet Act of 2009, Driving Without License, at No Motorcycle Certificate of Registration (CR) and Official Receipt (OR).
Inisyuhan din ito ng Ordinance Violation Receipt dahil sa paglabag sa city ordinance number 864 o Curfew.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE