December 26, 2024

PEKENG PINOY NA NAARESTO SA CLARK AIRPORT, ISANG PUGANTE – BI

NAARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Koreano na nagtangkang umalis ng bansa sa pagpapanggap bilang Filipino.

Nabatid kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, na ang 26-anyos na si Na Ikhyeon ay naharang sa Clark International Airport sa Angeles City, Pampanga noong May 31 bago pa ito makasakay ng Cebu Pacific Airways na papuntang Hongkong.

Sinabi ni Tansingco na ang puganteng Koreano ay gumamit ng pangalan ng isang Rodingo Santos Chun sa isang kaduda-dudang Philippine passport na kanyang prinisinta sa BI officer sa immigration departure counter ng airport.

Iniulat ng immigration officer ang mga kapansin-pansing iregularidad sa itsura ng biopage ng passport, na hindi mabasa nang i-scanned sa computer.

Ang pasahero ay ‘di rin marunong magsalita ng Pilipino o anumang lokal na salita, kung kaya ini-refer ang pasahero sa secondary inspection.

Sa examination na ginawa ng forensic documents laboratory ng BI sa passport ay lumitaw na peke nga ang passport ng pasahero.

Sa ginawang pagtatanong ng mga miyembro ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI na pinamumunuan ni Dennis Alcedo na isinurender ng pasahero ang kanyang South Korean passport na kabilang sa hit list ng Interpol para sa invalidated travel documents.

Ibinunyag ng Interpol national central bureau sa Manila, na si Na ay wanted sa Korea para sa two counts ng kasong na kinabibilangan ng malakihang halaga ng pera na kanyang natanggap mula sa kanyang mga biktima.

Sinabi ni Tansingco na ang BI board of commissioners ay maglalabas ng summary deportation order laban kay Na para ipatapon pabalik sa Korea upang humarap ito sa paglilitis sa mga kasong kanyang kinakaharap.

Si Na ay kasalukuyang nakapiit sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation nito. ARSENIO TAN