
CAGAYAN DE ORO — Isang banyagang nagpapanggap umanong Pilipino ang naaresto kamakailan at iniimbestigahan na ngayon dahil sa posibleng koneksyon sa mga ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na si Xu Shiyan, isang Chinese national, na naaresto noong Mayo 21 sa Cagayan de Oro.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na may koneksyon si Xu sa POGO at sa isang kontrobersyal na personalidad na si Tony Yang.
Batay sa ulat ni Melody Penelope Gonzales, hepe ng BI Mindanao Intelligence Task Group (MITG), si Xu ay kabilang sa mga incorporator ng Philippine Sanjia-Steel Corporation (Phil-Sanjia), isang kumpanyang isinasangkot sa ilegal na POGO operations. Kasama rin sa mga incorporator ng Phil-Sanjia ang isang Antonio Lim, na sinasabing alyas ni Tony Yang — isang banyagang nasangkot na rin sa mga pagdinig sa Kongreso kaugnay ng operasyon ng POGO sa bansa.
Nakuha kay Xu ang samu’t saring dokumentong Pilipino tulad ng mga birth certificate, Philsys slip, SSS at UMID forms, Postal ID, TIN ID, driver’s license, at COMELEC registration slip — lahat nakapangalan sa kaniya.
Taong 2024 nang una nang maaresto si Tony Yang dahil sa pagpapanggap din umano bilang Pilipino. Ang kumpanyang Phil-Sanjia ay nasangkot na rin sa mga imbestigasyon ng Kongreso noong nakaraang taon dahil sa umano’y koneksyon nito sa mga ilegal na aktibidad ng POGO.
Patuloy ang imbestigasyon ng BI sa kaso ni Xu upang matukoy ang lawak ng kanyang operasyon at kung sinu-sino pa ang mga kasabwat nito. (ARSENIO TAN)
More Stories
PBA Season 49: Ginebra vs Meralco, TNT vs NorthPort—Laban para sa Quarterfinals
TEVES, BALIK PILIPINAS! BALO NI DEGAMO NAGPASALAMAT KAY PBBM AT SA TIMOR-LESTE
Gen. Torre bagong PNP chief; CHED at OSG may kapalit na rin