July 2, 2025

Pekeng PAOCC Agent, Huli sa Pangingikil sa Kapwa Chinese!

Kalaboso ang isang Chinese national na nagpanggap na tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos masakote sa ikinasang entrapment operation ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Parañaque City!

Ayon kay Police Maj. Gen. Nicolas Torre III, hepe ng CIDG, nagsimula ang operasyon matapos ireklamo mismo ng PAOCC ang suspek na gumagamit ng pangalan ng ahensya para mangikil.

“May mga nagpapanggap na konektado sa PAOCC para makapangikil at mag-facilitate umano ng release ng mga nahuli,” pahayag ni Torre.

Dumulog din ang dalawang Chinese victims na nagreklamo sa CIDG matapos silang takutin ng sindikato: kung hindi sila magbabayad ng dagdag na P3.5 milyon, ibi-bilibid daw at iti-torture pa ang nahuling kasamahan!

Kwento pa ni Undersecretary Gilberto Cruz ng PAOCC, una nang nakasingil ng P1 milyon ang grupo, pero hindi pa nakuntento at humihirit pa ng milyon-milyon.

“Kung hindi daw magbabayad, bubugbugin ang boyfriend ng complainant na nakakulong sa Pasay, pati siya mismo ipapa-aresto!” giit ni Cruz.

Kasama ng pekeng agent, arestado rin ang dalawa pang Chinese nationals na umano’y kasabwat sa raket.

Tumangging magsalita ang pangunahing suspek na ngayon ay kakasuhan ng robbery-extortion.

Paalala ni Cruz: “Ito na ang ikatlong grupo na nahuli naming nagpapanggap at sumisira sa kredibilidad ng PAOCC. Hindi kami mangingimi na hulihin ang sinumang manggagamit ng aming pangalan!” Abangan: May iba pa kayang sindikato ang mabubulgar?