November 5, 2024

PEKENG DENTISTA SWAK SA CALOOCAN (Haybol ginawang clinic)

Arestado ang isa umanong pekeng dentista habang nagsasagawa ng dental procedure sa isinagawang entrapment operation ng pulisya sa loob ng kanyang clinic sa Caloocan City, kahapon ng umaga.


Kinilala ni District Special Operations Unit of Northern Police District (DSOU-NPD) head P/Lt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong suspek na si Marian Meneses, isang insurance agent at residente ng 804 Heroes Del 96 Brgy. 73 Zone 7 Caloocan City.


Ang kaso ay nagmula sa reklamo na isinampa sa opisina ni NPD Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. ng Philippine Dental Association (PDA) kasunod ng impormasyon na natanggap hinggil sa illegal practice na ginagawa ni Meneses sa loob ng kanyang bahay na nagsilbi bilang dental clinic.


Agad inatasan ni BGen. Hidalgo si Lt. Col. Dimaandal na alamin ang reklamo at matapos makumpirma ng mga operatiba ang ulat ay isang entrapment operation ang kanilang isinagawa sa pangunguna ni P/Lt. Melito Pabon dakong alas-11:15 ng umaga, kasama ang isang dentista mula sa PDA na si Dr. Narisa Ragos na umaktong poseur-patient.

Habang sa aktong nasa dental procedure kay Dr. Ragos, kasama ang isang police decoy, isang pre-arranged signal ang natanggap ni Lt. Pabon at kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkakaaresto kay Meneses.

Nakumpiska ng mga pulis sa suspek ang ilang dental materials katulad ng upper impression tray, alginate impression, alginate powder, plasterspatula, mouth mirror at record chart.

Nabigo rin ang suspek na magpakita ng mga ligal na dokumento upang mapatakbo ang kanyang dental clinic tulad ng certificate of registration, professional identification card at iba pa at sa halip ay nagpasya itong manahimik.

Kasong paglabag sa R.A 9484 otherwise known as The Philippine Dental Act of 2007 ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.