April 13, 2025

Pekeng ‘dentista’ nadakma ng CIDG Batangas

Arestado at diretso sa selda ang isang pekeng dentista, makaraang masakote sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Barangas Provincial Field Unit sa Sitio Tubigan, Brgy. Matabungkay, Lian, Batangas nitong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si Jhun Peusca, nasa hustong gulang at residente sa kaparehong lugar.

Base sa ipinadalang report ni CIDG Batangas Provincial Field Unit Chief, Police Lieutenant Colonel Jake Barila kay CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III, isinagawa ang nasabing operasyon ng mga tauhan ng CIDG Batangas kasama ang mga miyembro ng Batangas City Dental Chapter at ng Philippine Dental Association (PDA), laban sa suspek na nagsasagawa ng illegal practice of dentistry at nag-aalok ng iba’t ibang dental services sa mababang presyo na isinasagawa sa isang hindi lisensyadong residential clinic sa Barangay Malitam, Batangas City.

Pasamantalang nasa kustodiya na ngayon ng CIDG Batangas PFU ang mga nakuhang ebidensya at ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9484 na kilala din bilang Philippine Dental Act of 2007. (KOI HIPOLITO)