November 22, 2024

Pedicab driver tinarakan sa dibdib ng kabaro sa Malabon

Isang pedicab driver ang nasa malubhang kalagayan matapos tarakan sa dibdib ng kasamahan sa hanapbuhay nang mapikon ang suspek sa naging sagot ng biktima sa paghingi sana niya ng payo sa kanyang problema Linggo ng gabi sa Malabon City.

Naisugod muna ng mga nakasaksing pedicab driver sa San Lorenzo Ruiz General Hospital ang biktimang si Leonardo Loresto, 41 ng Templora St. Brgy. Santulan bago muling inilipat sa Tondo Medical Center ng kanyang mga kaanak upang isailalim sa operasyon sa tinamong tama ng malalim na saksak sa dibdib.

Nadakip naman ng mga tauhan ng Malabon police Sub-Station 3 ang suspek na si Alvin Blancaflor, 29, residente ng 21 Macanas St. Brgy. Panghulo matapos makapagresponde kaagad sa lugar na pinangyarihan ng pananaksak sa harapan ng isang malaking sangay ng bantog na botika sa M.H. Del Pilar St. Brgy. Santulan.

Sa ulat nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nasa pilahan ng pedicab at naghihintay ng pasahero sina Blancaflor at Loresto dakong alas-7:30 ng gabi nang kausapin ng suspek ang biktima at sabihing may problema siya na tila nais humingi ng payo.

Sa halip na tumugon ng maayos, sinabi umano ni Loresto ang katagang “Ano pakialam ko?” na labis na ikinapikon ng suspek na kaagad bumunot ng ice pick at tinarakan sa dibdib ang biktima. Bukod sa kasong tangkang pagpatay, nahaharap din sa kasong paglabag sa BP 6 in relation to BP 881 o ang umiiral na Omnibus Election Code si Blancaflor  makaraang mabawi ng mga pulis ang pitong pulgadang ice pick na ginamit niya sa pananaksak.