September 16, 2024

PEDICAB DRIVER PINAGTATAGA SA ULO NG AMAIN

Nasa kritikal na kondisyon ang isang pedicab driver matapos pagtatagain ng kanyang step father na isang buko vendor makaraan ang mainitang pagtatalo hinggil sa pagkukumpuni ng kanilang bahay sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga taga sa ulo at katawan ang biktimang si MarcelinoAustria, 63 ng No. 123-31 Dulong Bronze St., Brgy. Tugatog.

Naaresto naman ng rumespondeng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 ang suspek na si Eduardo Aguilar, 72, ng No. 127-31 Dulong Bronze St. at narekober sa kanya ang ginamit na bolo sa pananaga.

Sa report nina police investigators PSSg Mardelio Osting at PSSg Ernie Baroy kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-7:40 ng gabi nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek sa No. 127-31 Dulong Bronze St. hinggil sa pagkukumpuni ng kanilang bahay.

Sa kainitan ng pagtatalo, kumuha ng bolo ang suspek saka pinagtataga sa ulo at katawan ang biktima na sa kabila ng tinamong mga sugat ay nagawang makatakas hanggang sa makahingi ng tulong sa mga tauhan ng SS-2.

Matapos nito, isinugod ang biktima sa naturang pagamutan ng kanyang kapatid na si Malou Austria habang nadakip naman ang suspek.