ISINELDA ang isang pedicab driver matapos pagbabatuhin at pagbantaan papatayin habang may bitbit na patalim ang isang 17-anyos na binatilyo sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Light Threat (Art 283) at RA 7610 ang suspek na kinilala bilang si Angelito Vega, 40 ng No. 375 L.Santos St., Brgy. Tangos South.
Sa report ni PCpl Chona Riano kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, habang naglalakad ang biktimang itinago sa pangalang “Tunying” papunta sa bahay ng kanyang kapatid sa No.13 L.Santos St., Brgy Tangos South dakong alas-9:05 ng umaga nang madaanan niya ang suspek at sa hindi malaman na dahilan ay minura siya nito.
Hindi naman ito pinansin ng biktima subalit, habang nasa loob ng bahay ng kanyang kapatid ay may nambato sa kanya at nang lumabas siya ay nakita niya ang suspek na patuloy sa paghagis ng mga bato sa kanya saka naglabas ng patalim at pinagbantaan siyang papatayin.
Nang umalis ang suspek, sinamahan ang biktima ng kanyang ina na humingi ng tulong sa mga tauhan ng Sub-Station 2 na agad namang rumesponde sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY