November 19, 2024

PEACE AND ORDER TINIYAK SA MASUNGI GEORESERVE

Personal na nagtungo si DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. kasama sina PNP Chief PGen Rodolfo S Azurin, Jr., PRO 4A Regional Director, Jose Melencio C Nartatez, Jr. at Rizal PPO Provincial Director, PCol Dominic L Baccay sa Masungi Georeserve, Brgy. Sampaloc, Tanay Rizal, Setyembre 23, 2022.

Isa sa Core Values ng PNP ang Makakalikasan (Pro-Environment) kung kaya’t malaki ang gampanin ng kapulisan sa pagpapanatili at  pag-iingat sa ating kapaligiran at likas na yaman ng ating bansa.

Ang mainit na usapin ngayon tungkol sa nasabing lugar ay personal na pinuntahan at inispeksyon ng DILG secretary, kasama ang mga kapulisan at ibang opisyales ng DENR upang makapanayam ang ilang tao upang mabigyang linaw sa usaping land dispute na naglilikha ng hidwaan sa pagitan ng mga tauhan ng Masungi Georeserve at security agency personnel dahilan upang magkaroon ng interbensyon ang PNP.

“Maingat sila sa kanilang mga kilos, nasa gabay sila ng DENR na siyang pangunahing ahensya na may kinalaman sa usaping ito,” ayon kay Abalos.

“Andito kami upang ayusin ang puwang kung meron mang gaps. Kailangan nating makita ang kontrata, baka may kailangang baguhin dito. Magtulungan tayo dito,” dagdag pa ng Kalihim.

Nasabi ni PGen Azurin  na kasalukuyang nagsasagawa ang PNP ng imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng paglabag ng mga grupong responsable sa diumano’y armadong mga lalaki gayundin ang harassment at pag-atake ng ilang tao sa isa sa mga caretaker ng Masungi Georeserve Foundation.

“Ang aming isinusulong ay upang maiwasan ang anumang tensyon o karahasan na lumitaw,” giit ni PGen Azurin Jr.

Siniguro naman ni PBGen Nartatez Jr. na ang mga direktiba ng DILG at Chief PNP ay maipapatupad ng maayos.

Bilang Provincial Director, si PCol Baccay ang mangangasiwa sa pagtatalaga ng PNP personnel para magsagawa ng police visibility sa loob ng lugar para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan. Ang mga kapulisan ng Rizal Provincial Mobile Force Company, Tanay MPS at Baras MPS ay magtutulungan upang magpatrolya sa lugar at maiwasan ang tensyon sa pagitan ng magkaibang grupo.

Kasama sa mandato ng PNP ang pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan, nananawagan ang kapulisan na makipagtulungan ang mamamayan at sa tulong na din ng Local Government ng Tanay at Baras sa agarang pakikipag ugnayan upang maresolba ang nasabing isyu. (AIDA TAGUICANA)