January 19, 2025

PBBM SA GOV’T AGENCIES: PMMA TULUNGAN, PANGUNGUNA NG PH SA GLOBAL MARITIME INDUSTRY PANATILIHIN

Photo courtesy: Zambales for the People/FB

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga ahensiya ng gobyerno na tumulong upang mapahusay ang maritime education sa bansa.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo matapos maging panauhing pandangal sa ika-200 Commencement Exercises ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) “Madasiklan” Class 2023 sa San Narciso, Zambales nitong Huwebes ng umaga.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ginagawa na ng gobyerno ang mga hakbang upang makasabay ang Pilipinas sa pamantayan ng buong mundo sa maritime industry.

Nanawagan ang Presidente sa mga kaukulang ahensiya na makipag-ugnayan sa PMMA upang matugunan ang mga kailangan pang dapat ayusin sa maritime industry.

“As your partner in improving the skills and capabilities of our people in the maritime industry, I call on all the concerned agencies to coordinate closely with the PMMA, facilitate what will make our maritime education even more responsive to the needs of the nation while ensuring that whatever steps that we take will be in compliance with laws and regulations,” wika ng Pangulo.

Kinilala ng Presidente ang sakripisyo ng mga bagong graduates lalo na noong panahon ng pandemya dahil naitawid ng mga ito ang mga hamon at balakid na hatid ng pandemya matapos lamang ang kanilang pag-aaral.

Naniniwala si Pangulong Marcos jr. na dagdag sa world class maritime workforce ng Pilipinas ang mga bagong nagtapos sa PMMA lalo pa at kinikilala ang mga Pilipinong marino bilang “top of the line’ sa larangan ng shipping industry.

Binati rin ng Presidente ang suporta ng pribadong sektor na naging katuwang ng PMMA sa pagtuturo sa mga nagtapos na kadete.

“I extend my profound gratitude to the private shipping industry for the support that the PMMA has received from our most important private sector partners. You are not only making a difference in the difference of these graduates, you are also elevating our capabilities as a maritime nation,” dagdag ng Pangulo.