November 16, 2024

PBBM PINURI NI BARBERS SA NILAGDAANG MGA BATAS

PINURI ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa dalawang mahahalagang batas nitong Pebrero 26.

Ang mga nilagdaang batas ay ang  Republic Act (RA) 11981, o ang “Tatak Pinoy Act,” at RA 11982, o ang “Expanded Centenarian Act.” Ang isa ay para lalong makilala ang mga produktong gawang Pilipino at ang isa ay para mabigyan ng dagdag na ayuda ang mga senior citizen.

“Isang di-malilimutang araw sa ating kasaysayan! Kasabay ng butihing Pangulo Ferdinand “Bong-Bong” Marcos Jr., pormal nang napirmahan ang napakahalagang batas na magbibigay-proteksyon at magpapalakas sa karapatan ng mga Pilipino,” ayon kay Barbers.

Binigyang-diin ng naturang kongresista na ang mga batas na ito ay naglalayong mapalawig ang mga serbisyong pangkalusugan, proteksyon, at karapatan ng mga senior citizen, mga manggagawa at mamamayang Filipino.

Aniya, tunay na nagpapakita ang ating administrasyon ng matibay na suporta sa pag-unlad at kapakanan ng bawat isa.

“Saludo tayo sa kanilang dedikasyon at pagkilos upang maisakatuparan ang mga makabuluhang repormang ito!” masayang sambit ni Barbers.

Pinasalamatan ni Barbers ang Pangulo sa paglagda sa nasabing mga batas.

“Malugod nating iniabot ang ating pasasalamat at pagbati sa lahat ng mga nagtaguyod at naging bahagi ng pagkakabuo ng mga batas na ito,” ayon kay Barbers. “Nakahanda tayong maglingkod at mag-abot ng tulong sa ating mga kababayan, patuloy nating itaguyod ang kaunlaran at kapakanan ng bawat Pilipino, lalo na ang ating mga kababayan sa Surigao,” dagdag pa nito.