June 25, 2025

PBBM PINANGUNAHAN PAGWASAK SA P9-B DROGA

Upang matiyak na hindi na muling makararating sa mga lansangan ang mga nakumpiskang ilegal na droga, personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules, Hunyo 25, ang pagsira sa halos ₱9 bilyong halaga ng shabu at iba pang ipinagbabawal na gamot na narekober sa karagatan ng Hilagang Luzon.

Ang mga nasabat na droga ay isinailalim sa confirmatory testing bago opisyal na winasak sa pasilidad ng Clean Leaf International Corp. sa Capas, Tarlac, gamit ang thermal decomposition process na may init na aabot sa 700 degrees Celsius — sapat upang tuluyang sirain ang mga kemikal ng droga.

“Pumunta tayo rito para makita ang buong proseso — mula pagkakahuli, pagsusuri, at hanggang sa mismong pagwasak. Kailangan nating tiyakin na ang mga drogang ito ay hindi na muling magagamit o maibebenta,” ayon kay Pangulong Marcos.

Kabilang sa winasak ang 1,530.647 kilo ng shabu, marijuana, cocaine at ecstasy, kabilang na ang 1,304.604 kilo ng “floating shabu” na tinatayang nagkakahalaga ng ₱8.87 bilyon. Ang mga ito ay natagpuan kamakailan ng mga mangingisda sa karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Cagayan.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang shabu ay winasak sa ilalim ng Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No. 1 Series of 2002, batay sa sworn certification ng Director General dahil walang naarestong suspek at walang isinampang kaso kaugnay ng pagkakarekober sa mga kontrabando.

“So after nainit sa 700 degrees Celsius, it will not be shabu anymore… Hindi na talaga—sirang-sira na ito,” dagdag pa ni Marcos.

Kasama ng Pangulo sa aktibidad sina PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, DILG Secretary Juanito Victor Remulla, at Dangerous Drugs Board Secretary Oscar Valenzuela.

Mula nang maupo si Pangulong Marcos noong Hunyo 2022, umabot na sa ₱62 bilyon ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na naipahinto sa merkado sa ilalim ng mas pinalawak na kampanya laban sa bawal na gamot.

“Walang lugar ang droga sa bagong Pilipinas na ating binubuo,” mariing pahayag ng Pangulo.