November 5, 2024

PBBM: Patunay na ‘di kailangan ang ICC ng Pinas… DE LIMA ABSWELTO

HINDI kailangan ng bansa ang pakikialam ng International Criminal Court (ICC) pagdating sa justice system sa Pilipinas para sa usapin ng ilegal na droga.

Patunay dito ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay ang ginawang pagbasura ng Muntinlupa Regional Trial Court sa ikatlo at huling drug case ni dating Senadora Leila de Lima matapos ang pitong taon mula nang sampahan ang mambabatas ng kaso.

Malinaw aniya na gumagana ang sistema ng katarungan sa bansa.

“Well, maybe this is something we should show the ICC. The judiciary is working properly, our investigative services are working properly,” ayon sa Pangulo.

“Former Sen. De Lima has been acquitted. I don’t know what further comments there could be. Dumaan siya sa paghusga, na-acquit siya,” aniya pa rin.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na iniiimbestigahan ng ICC ang di umano’y ”crimes against humanity’ sa ilalim ng kontrobersiyal na drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaya nga sinabi ni Pangulong Marcos na hindi babaguhin ng gobyerno ng Pilipinas at mananatili ang posisyon nito kontra sa imbestigasyon ng kaugnay sa umano’y paglabag sa karapatang pantao ng war on drugs ng nagdaang administrasyon.

Sinabi ng Pangulo na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

”We still stay with our position that the ICC has no jurisdiction in the Philippines because we have a working police force, we have a working judiciary and do not require any assistance in that regard,” aniya pa rin.

Sa ulat, binasura ng Muntinlupa Regional Trial Court ang ikatlo at huling drug case ng senadora.

Sa desisyon ni Muntinlupa City RTC Branch 206 Presiding Judge Gener Gito nitong Lunes, Hunyo 24, 2024, pinagbigyan ang “demurrer to evidence” ni De Lima.

Noong Marso inihain ni De Lima ang demurrer kung saan hiniling niya sa korte na ipawalang-sala siya at ideklarang “not guilty” dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan ang kanyang pagkakasala “beyond reasonable doubt”.

Sa ilalim ng Rules on Criminal Procedure, ang demurrer to evidence ay isang mosyon para i-dismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya. Kapag napagbigyan, ito ay katumbas ng pagpapawalang-sala.

Ang nasabing ­korte rin sa huling kasong ­conspiracy to commit drug trading na nag-abswelto kay De Lima ang nagpahintulot din na makapaglagak siya ng piyansa.

Nobyembre 2023 nang makalaya si De Lima matapos magpiyansa.

Sa kanyang huling kaso, ang dating mambabatas ay inakusahan ng pagiging kasabwat sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison, sa kanyang kapasidad bilang dating justice secretary na may supervisory powers sa national penitentiary.

Nasuhulan din umano siya ng P70 milyon ng Bilibid convicts, na inakusahan din niyang ginamit para tumakbo at manalo bilang senador noong 2016.