April 24, 2025

PBBM party-list group registration kinansela kaugnay sa misrepresentation

Binawi ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division ngayong Miyerkules, Abril 23, ang registration ng party-list group na Pilipinas Babangon Muli (PBBM) matapos matuklasang nagsinungaling umano ito tungkol sa pagiging regional political party ng Calabarzon.

Ayon sa Comelec, wala ni isa sa 10 nominees ng PBBM ang tunay na taga-Calabarzon. Sa halip, walo ay mula sa Abra, isa sa Cagayan, at isa sa Quezon City.

Lalong lumala ang sitwasyon ng grupo matapos umanong magsinungaling ang pangulo ng PBBM sa isang petition hearing noong Abril 19, 2024, kung saan sinabi nito na lahat ng miyembro ng partido ay mula sa Calabarzon—na napatunayang hindi totoo.

Dahil dito, pinagbigyan ng Comelec ang petisyon ni Atty. Jess Christian Ramirez na kanselahin ang rehistro ng naturang grupo dahil sa misrepresentation.

Ang PBBM party-list ay may parehong acronym sa popular na tawag kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na gumamit rin ng slogan na “Babangon Muli” noong 2022 campaign.

Mismong mga opisyal ng grupo gaya nina Joseph Domino Valera (presidente), Ma. Cecilia Badajos, Robby Dominique Valera, at Ma. Jocelyn Valera Bernos ay pawang mula rin sa Abra — malayo sa Calabarzon.

Tinuligsa ng Comelec ang pabagu-bagong pahayag ng grupo. Sa huli nilang pagdinig noong Abril 15, 2025, iginiit ng PBBM na hindi requirement ang pagiging residente ng Calabarzon—taliwas sa kanilang orihinal na petisyon na nagsasabing regional party sila ng rehiyon.

Sa ruling ng Comelec:

“Ang isang regional political party ay dapat binubuo ng mga miyembro mula mismo sa rehiyon na kinakatawan nito. Ang hindi pagkakatupad nito ay sumisira sa legal na pagkakakilanlan ng isang regional party.”

Napag-alaman ding hindi tumatak ang grupo sa Pulse Asia survey nitong Marso 2025—nakakuha lamang ito ng 0.06% preference.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maaaring magsumite ng motion for reconsideration ang PBBM.

Ang kaso ay isusumite rin sa Comelec Law Department para sa imbestigasyon ng posibleng paglabag sa batas ng halalan.