November 15, 2024

PBBM NATAWA LANG SA PAGKAKADAWIT SA DRUG LIST NG PDEA

TINAWANAN lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang alegasyon kaugnay sa sinasabing PDEA Leaks o ang dokumento na nagsasangkot sa kanya at sa aktres na si Maricel Soriano sa paggamit ng illegal na droga.

Tumawa lang ang Pangulo at naglakad paalis nang tanungin ng media kaugnay sa nasabing isyu.

Noong Abril 30, sinabi ng PDEA na wala raw ganoong dokumento na kumakalat sa social media patungkol sa paggamit ni Marcos at Soriano ng droga.

“There are no such documents, your honor…Siguradong-sigurado po kami. Walang dokumento na ganyan,” ayon kay PDEA director general Moro Virgilio Lazo sa pagdinig sa Senado kamakailan lang.

Pero naniniwala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, hindi gawa-gawa lang ang nasabing dokumento.

“Based on my impression, that paper is existing. Because the nature of the paper, when I looked at it, was clear. It was not AI-generated (artificial intelligence). It’s not fabricated because the photocopy was clear, and you can see the punch holes where the paper fastener went through,” dagdag ni Dela Rosa.

Noong January 2023, inakusahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Marcos Jr. na isang drug addict. Sagot naman ng Chief Executive na malakas daw ang tama ng fentanyl sa kalusugan ni Duterte.