
MANILA — Kumpirmado: may napili na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes, Mayo 26.
Sa isang ambush interview, inihayag ni Remulla na “excellent, very qualified, very dynamic” ang bagong pinili ng Pangulo para mamuno sa pambansang kapulisan, ngunit tumanggi siyang pangalanan ito at sinabing si Marcos mismo ang mag-aanunsyo sa tamang panahon.
“Meron na siyang napili. Excellent, very qualified, very dynamic, good track record,” ani Remulla.
Dagdag ni Remulla, mas mainam kung ang susunod na PNP chief ay magkakaroon ng mas mahabang termino upang maisulong ang tuloy-tuloy na reporma at bisyon sa hanay ng kapulisan.
“Ang nangyayari kasi sa atin, isang taon lang o kaunti lang higit sa isang taon ang termino. Kailangan natin ng may continuing vision na suportado ng buong PNP sa paglipas ng panahon,” paliwanag niya.
“Ngayon kasi paiba-iba. Bawat taon iba ang directive, vision, mission statement. Ang goal ko, iisa na lang. Kahit sino pa ang maupong hepe,” dagdag pa ni Remulla.
Matatandaang pinalawig ni Marcos noong Pebrero ang termino ni kasalukuyang PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ng apat na buwan matapos ang kanyang mandatory retirement age na 56. Ang ekstensyon ni Marbil ay nakatakdang magtapos sa Hunyo 7.
Ayon sa PNP Public Information Office, kabilang sa mga kuwalipikadong opisyal na maaaring hirangin bilang bagong PNP chief ay sina:
- Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. (Deputy Chief for Administration),
- Lt. Gen. Robert Rodriguez (Deputy Chief for Operations),
- Lt. Gen. Edgar Alan Okubo (Chief of the Directorial Staff),
- Maj. Gen. Nicolas Torre III (Chief, Criminal Investigation and Detection Group), at
- Maj. Gen. Anthony Aberin (Chief, National Capital Region Police Office).
Inaasahan ang pormal na anunsyo ng Malacañang bago sumapit ang Hunyo 7.
More Stories
PBA Season 49: Ginebra vs Meralco, TNT vs NorthPort—Laban para sa Quarterfinals
TEVES, BALIK PILIPINAS! BALO NI DEGAMO NAGPASALAMAT KAY PBBM AT SA TIMOR-LESTE
Gen. Torre bagong PNP chief; CHED at OSG may kapalit na rin